tapos na ang panahong
susunod ang anino
sa kanyang kinagisnang katawan.
panahon na
para hanapin nito ang sariling bakas,
para harapin ang angking buhay,
para buuin ang piraso ng kanyang kabuuan.
dumating na sa hangganan ang laban
ng pusong nagmahal.
narating na nito ang kasukdulan,
umabot na sa rurok
ang paglalakbay ng damdaming
pansamantalang hihimlay,
mamamaalam,
lilisan.
kailangan na munang ipahinga
ang pusong sugatan,
ang pusong minsa’y lumukso
sa labis na kaligayahan.
sa kanyang paghimbing,
umaasa akong sa kanyang pagbango’y
muling didilig ang dugong
hihilom sa bawat sugat
ng nagdaang pag-ibig.
mahahanap din ng anino ang sarili nitong katawan.
magsisimulang muli ang bagong krusada
at maghihilom ang galos
ng bawat pusong nasugatan.
dahil may nagsisimula sa bawat wakas,
may nabubuo sa bawat pagkawasak,
may nabubuhay sa bawat pagkalagas.
lilimot din ang puso.
matutyo din ang mga luha.
muling babalik ang ngiti.
kung kailan?
panahon lang ang nakakaalam,
panahon lang ang makapagsasabi.
05.26.11 | 0152 | Sampaloc, Manila
Minsan di mo pansin,
Nasa kubling likuran mo lang ako.
Sumusubaybay,
Nagmamasid,
Nakaantabay
sa bawat mong yapak,
sa bawat hakbang ng iyong paglalakbay.
Minsan nasa gilid lang ako.
Depende sa liko’t ikot
ng bawat mong
pagsulong at pag-atras.
Depende sa direksyong tatahakin
ng bawat mong pag-alpas.
Maaari rin akong mauna sa iyo
kung kakailanganin mo lamang.
Handa akong sumalag
sa mga nakaambang panganib.
Ikararangal kong hawanin
ang mga damong
sa daraanan mo’y babalakid.
Kung minsan,
sa panahong tirik ang haring araw
o pagdadapit-hapon,
hindi mo man ako pansin sa iyong paligid,
nandito lang ako.
Hindi mawawala
ang aninong nakabantay,
ang aninong kakapit-bisig,
ang aninong aagapay.
Tulad ng iyong anino,
hindi ako kailanman hihiwalay,
hindi kukupas angking pagsinta.
Dahil
karugtong ka na ng buhay,
kakabit ng pakikibaka,
kasama ng bawat nating paglaya.
Kathy Yamzon | 05.08.11 | 0230 | North Triangle, Quezon City
pauwi na ako.
matagal-tagal na panahon na rin pala
na ako’y nagpakalayo,
sa mga kapatid at magulang,
sa mahal na asawa,
sa mga anak
sa sinisintang bansa.
pauwi na ako.
hindi ko na maitago ang pananabik.
pagal nang aking katawan,
sa pagpapa-alipin sa lupang di kinagisnan,
sa mga panginoong dayuhan,
para sa salaping bumubuhay
sa nagdarahop kong pamilya’t bayan.
pauwi na ako.
ilang buwan,
ilang araw,
ilang oras,
ilang minuto,
ilang segundo na lang
ang bibilanging lumipas.
hindi na tayo muling maghihiwalay.
magkakasama na tayo’t
di na muling mawawalay.
pauwi na ako.
magkahalo ang aking nadarama:
masayang magbabalik-bayan.
nanghihinayang
sa mga oras na nasayang,
na nangungulila’t puno ng kalungkutan.
pauwi na ako.
kung sana’y may trabaho’t kabuhayan,
kung sana’y may tirahan at hustisya
sa bayang tinubuan,
hindi na sana ang pagtatrabaho
sa ibayong dagat ay kailangan.
hindi sana sasapitin
ang pang-aabuso’t
kamatayan.
pauwi na ako.
nakakahon mang darating ang katawan
sa paliparan ng lipunang tila
nagnakaw at nagwasak ng aking tahanan,
hindi mamatay ang kaligayahang
muling mahalikan
ang lupang kanlungan,
ang hagkan ang pagmamahal
ng naghihintay na kaanak,
ang pag-asang magkakaroon ang bayan
ng tunay na kalayaan,
ng pagbabago sa kaayusang panlipunan.
pauwi na ako.
babaunin ko
ang pangakong darating ang araw
na wala nang dahilan ang pangingibang-bayan,
na may trabaho nang laan
ang pamahalaan sa mamamayan,
na magkakaroon ng malasakit
ang lipunan sa taumbayan,
na wala nang pamilyang masisira
dahil sa gutom at kahirapan.
* - alay sa mga migranteng Pilipino at kanilang mga pamilya.
Kathy Yamzon | 04.06.11 | 12:38 | North Triangle, Quezon City
nasa kabihasnan na sila.
ang mga bampira,
ang mga manananggal,
ang mga tiyanak,
ang mga tikbalang.
nandito na sila.
ang mga balawis,
ang mga undin,
ang mga malignong
uhaw sa dugo’t
naglalaway sa hilaw na laman.
nasa sentrong lungsod na sila.
nagsisimula nang maghasik ng lagim,
nagpapakalat ng takot,
bumabasag sa ating katahimikan.
nandito na sila.
handa na silang
pumatay at mangdukot
ng mga inosenteng sibilyan.
nasa komunidad na sila
ng mga maralita ng lungsod.
umaaligid,
nagmamasid,
naghahandang sumunggab
anumang sandali.
nandito na sila.
kung noo’y nakakubli lamang sa nayon
suot ang balat na kumoplahe,
ang mga botang may pangil,
dala ang mga armas nilang pain.
nandito na sila ngayong
handa nang umatake’t muling manlansi.
may bampira na sa tondo.
may manananggal na sa payatas.
may tiyanak na sa baseco.
may tikbalang na sa navotas.
may balawis na sa san juan.
may undin na sa malabon.
may maligno na sa caloocan.
naglipana na ang mga aswang,
kung saan may pag-aalsa’t paglaban.
nakakalat na silang mga halimaw,
sa buong Kamaynilaan.
ihanda ang mga panlaban,
ang mga pangontrang asin at bawang.
ihanda ang sariling mga katawan,
sa pagsugod at pakikipagharap sa kanila’t paglaban.
hindi tayo matatakot.
ni hindi panghihinaan.
hindi tayo makapapayag
na manaig ang kasamaan.
hinding-hindi tayo papayag,
na maghari dito ang kadiliman.
walang puwang dito ang mga berdugo.
walang puwang dito ang mga kawatan.
walang puwang dito ang mga sindikato.
walang puwang dito ang mga pasista,
doon…
doon sila nababagay,
doon kung saan sinusunog
ang mga demonyo’t kawangis nilang nilalang.
doon…
doon, sa tila impyernong hukay,
sa libingan ng kasaysayan.
* - dagling-tula alay kay Antonio Homo ng Navotas at Marlina ‘Len’ Sumera ng Malabon, unang dalawang kaso ng extra-judicial killing sa Metro Manila na kapwa may kinalaman sa usapin ng lupa at tirahan
Kathy Yamzon | 03.26.11 | 12:30 | Cavite
baluktot ang daan tungong pagbabago,
ngunit hindi ang kanyang katwiran.
liku-liko,
paikut-ikot.
masukal,
masalimuot.
tulad ng EDSA,
na naging daan
upang ibagsak ang diktadurya.
milyun-milyong hakbang,
milyun-milyong yapak
ng pagkasawa,
ng pag-aalsa,
ang pinakawalan ng masa
mula sa magkaibang hangganan
ng Monumento at Baclaran.
ngunit sinamantala lamang ng iilan
ang tagumpay ng paglaban sa EDSA.
binigo ng dilaw na daan,
ninakaw ng mga makapangyarihan
ang tagumpay,
ang pangakong
demokrasya’t kaunlaran
mula sa paglaban ng sambayanan.
walang tuwid na daan
ang dudulo sa kalayaan at kaunlaran.
ang mga damo’y ihahawan,
ang mga bato’y ipapatag,
susuungin ang masasalubong na panganib,
upang ihanda ang bukas
na progresibo at malaya.
tulad ng EDSA,
ang Sierra Madre’y katiyakan
na susulong ang kasaysayan,
na magpapatuloy ang paglalakbay
at krusada ng bayan
para sa bagong demokrasya.
hindi tuwid kundi liku-liko,
hindi patag kundi baku-bako.
walang diretso,
walang shortcut.
ang pagbabago’y resulta
ng rebolusyong hindi piging,
kundi ng marahas na pagharap,
ng paglaban sa mga kaaway ng bayan.
babagtas tayo sa landas ng pagbabago.
dadaluyong tayo
sa mga lansangan,
sa mga kanayunan.
susuong tayo sa isang paglalakbay ng uri,
tungong daang hindi tuwid.
patungong kalayaan.
handa ka na ba?
Kathy Yamzon | 02.24.10 | 21:12 | Sampaloc
nagising tayo isang umagang hindi nang-aakit na hubad na katawan ang laman ng mga pahayagan, hindi nagbabangayang mga pulitiko ang nagsimula ng mga talakayan sa mga talapihitan. hindi sikat na mga artista ang bida sa mga balitang sa telebisyo’y bumandera. Nobyembre 23, 2009: kayong mga tagapagbalita ang naging laman ng balita. kayong dapat sana’y naghahatid ng mga kaganapan ang naging mismong kaganapan. itinala niyo’y kasaysayang gumulat, nagmulat, at gumising sa amin. isinalaysay ninyo’y tunay na kalagayan niyong tagapaghatid-balita, at ng kalayaan sa pamamahayag sa bansa. sa lagi’t lagi, nakabuntot sa iyo’y panganib sa bawat pagsilip sa mga lente, sa pagniniig ng iyong panulat at kwaderno, sa bawat pagbuka ng bibig, sa pagtipa sa mga tiklado. sa lagi’t lagi, hinaharap ninyo’y banta, isinusugal ang sarili, sinasalungat ang mga balakid upang maiinit na kaganapan sa baya’y maihatid, upang balitang nakalap sa mga newscast ngayon, at sa mga pahina kinabukasan ay umabot. ngunit anong sinukli ng lipunan sa mapanganib mong pangangalap ng balita? anong kabayaran ng bayan sa sakripisyo’t buhay mong handang ialay? pilit binubusalan ang iyong bibig, pinipirangan ang iyong mata, ibinabaon ang katotohanang bitbit, sinisikil ang kalayaan mong magpahayag, pinapaslang ang hukbo ninyong mamamahayag. hangga’t walang hustisya ang inyong mga kasamahan: mananatiling bulag ang mga lente, hindi lalapat ang lapis sa iyong kwaderno hindi bubuka ang iyong bibig, mananatiling de-kadena ang tiklado. may panahon pa. nasa inyong mga kamay, nasa inyong pagkakaisa, nasa inyong sama-samang paglaban, nasa pagsanib ng inyong lakas sa nag-aaklas na mamamayan ang pagkakamit ng hustisya, ang pagkakamit ng tunay na kalayaan ng pamamahayag at ng bayan. hindi pa huli ang lahat: hindi pa huli bago ang itinatakdang dedlayn ng lipunan… (alay sa mga biktima ng Maguindanao Massacre at sa mga Pilipinong mamamahayag) Kathy Yamzon | 11.20.10 | 1159 | Sta. Mesa
animo’y punlaan ng patalim
ang iyong kalawakan.
na humihiwa sa kalamnan
ng bawat mong nasasakupan,
ng bawat magsasakang inyong ninakawan,
ng bawat karapata’t
buhay na niyurakan.
may tanda pa ng pagmamalupit
ang naiwang bakas sa iyong lupa.
may tilamsik ng dugo
ang dating malulusog mong sakahan,
ang iyong daang tuwid na ipinagmamalaki,
ang kahariang hindi mo tunay na pag-aari.
wala na ang tamis sa iyong asukal, Luisita.
mapait na ang bawat patak sa tubong pinipiga,
duguan na’t hindi dalisay ang kulay ng iyong katas,
tanda ng laksang buhay na iyong sinikil at nilagas.
kung sa bagay,
hindi lang naman tubo
ang maaaring tumubo
sa iyong kapatagan, Luisita.
maaaring umusbong sa iyong lupa
ang binhi ng iba pang prutas o gulay,
maaaring binhi ng palay,
o di kaya’y binhi ng paglaban
ng iyong mamamayang mag-aaklas
para sa lupa at katarungan,
para sa demokrasya,
para sa kalayaan.
(isang dagling tula para sa ika-6 na anibersaryo ng masaker sa Hacienda Luisita)
Kathy Yamzon | 11.16.10 | 0225 | Sta. Mesa
sinong makakalimot
sa pagpaslang ng iyong angkan
sa kanilang nais lamang ay lupa?
silang tanging hangad
ay mapasakanila
ang kapirasong pinagtatamnan,
silang nagbubungkal
at nagpapakain
sa taumbayan.
dalawampu’t tatlong taon na ang nagdaan,
labing-tatlong magsasaka
ang bumulagta,
ang humandusay,
ang pinatidan ninyo ng hininga
sa paanan ng Mendiola.
anim na taon na ang lumipas,
ngunit sadyang mailap
ang katarungan
sa pitong magsasaka’t
manggagawang bukid
na pinaslang ninyo
sa inyong Hacienda.
isang taon na rin pala
simula ng pagpapatayin
ang limampu’t pitong mamamahayag,
mga kaanak
ng kalabang pamilya sa pulitika
ng mga warlords sa Maguindanao.
ngunit nananatiling
walang linaw,
wala pa ring hustisyang nasisilayan
ang mga nawalan
sa iyong panunungkulan.
hanggang kailan?
hanggang kailan
mananatiling umaasa sa katarungan
ang mga naiwan?
hanggang kailan
manlilimos ng kapirasong lupang aariin
ang mga ninakawan?
hanggang kailan
mapapatid ang pyudal na pagsasamantala
sa lungsod at kanayunan?
PNoy!
hindi na kami makapaghihintay.
wala nang puwang ang pag-asang
ipagkakaloob mo pa ang hustisya.
wala nang ilusyong
sosolusyunan mo pa ang daing
namin para sa lupa.
sa digmaan ng mga uri,
tanging pagkakaisa ng masang inapi
ang sa katarunga’y babawi.
tanging sa paglaban,
ang mamamaya’y maniningil
laban sa kanilang mga naghari.
Kathy Yamzon | 11.08.10 | 0110 | Sta. Mesa
kung sana…
kung sana ang bawat pagkabigo’y
tulad lamang ng galos,
ng gasgas sa tuhod
bunga ng matinding pagkadapa.
kung sana ang sakit nito’y
malulunasan lamang ng hiyaw,
ng isang daing at pagsigaw.
kung sana…
kung sana ang pagdurugo ng puso’y
magagamot ng alkohol at bulak lamang.
kung sana ang pagluhang dulot
ng pait at kawala’y
sa isang iglap maglalaho
matapos mong pahiran.
kung sana…
kung sana kagaya ng mga bata
na matapos masaktan
ay agad makakalimot
kapalit ng materyal na bagay.
kung sana’y ganon kabilis bumangon
matapos ang bawat pagbagsak,
ang bawat pagkasadlak.
kung sana…
kung sana’y ang paglimot
ay nagaganap sa bawat paggising
matapos ang pagkakahimbing.
kung sana’y ang pagkaligta
ay simbilis ng pagdilat ng mga mata,
mula sa pagkakapikit.
ngunit
gaano man katagal
o kabilis
ang proseso ng kalunasan,
ng paggaling,
ng pagbangon,
ng paglimot,
ng paggising,
tiyak na muling tatayo ang mga nasadlak.
tiyak na lilimot ang bawat pusong nasaktan.
tiyak na babangon ang mga nahimbing.
tiyak na maghihilom ang mga sugat ng nakaraan.
tiyak yan!
Kathy Yamzon | 10.17.10 | 0200 | Sta. Mesa
(dagling-tulang binigkas ni Mark Louie Aquino sa parangal ni Ka Bruks)
ngayong gabi,
bawal ang magsaya.
bawal ngumiti.
bawal tumawa.
sumagi man sa alaala nila:
mga masasayang sandaling kapiling ka,
sa mga lunan at tagpong naging
kabahagi mo sila,
maging katuwaang
di kailanman
mabubura sa alaala.
nagbalik ka man ngayon,
hindi kami magiging maligaya.
dahil ngayo’y panahon ng pagtangis.
panahon ng pagbubuong muli
mula sa iyong pagkawala.
mga kasama,
ibuhos niyo nang lahat ang pagdurusa.
ubusin nang ganap
lahat ng pangamba,
dahil minsan lang tayong luluha.
dahil ngayon na lamang tayo magluluksa.
bukas,
wala nang puwang ang lumbay.
wala nang dahilan
ang pagkasadlak sa iyong pagkawalay.
rebolusyonaryong galit hindi pait,
ibayong pagsisikhay tungong tagumpay
ang iaalay naming naiwan mo
sa iyong pagkahimlay.
hindi kami mamamaalam.
dahil ang ‘paalam’
ay para sa lumisan lamang.
hindi ka kailanman lilisan,
dahil mananatili ka sa bawat kasamang
magtutuloy ng iyong bawat nasimulan.
* Sa alaala nina Kasamang Bruks
Kathy Yamzon | 10.02.10 | 0132 | Sta. Mesa
maitim ang kalawakang
nakakulambo sa kawalan.
tila may lambong,
nagbabadyang magpakawala
ng luhang didilig
sa lupang iyong pinag-alayan
ng dugo’t buhay,
ng huli mong hininga.
maitim ang bawat damdaming
nagluluksa sa kawalang dulot
ng iyong pagpanaw.
lumuluha silang nagtitipon,
silang umaalala
sa walang pagraramot mong pag-aalay
ng sarili para sa mga dinusta’t ninakawan
ng karapatan at lupa.
maitim ang budhi
nilang mga kaaway sa uring
ni katiting ay hindi tutumbas
sa iyong kamatayan.
tiyak nagsasaya sila ngayon,
silang mga walang awa
sa ating tanging layo’y palayain
ang masang api
at bayan.
sa iyong pagpanaw,
maitim ang langit
dahil sa pagluluksa’t
pagdadalamhati.
madilim ang gabi
sa pagkawala mo,
kasamang hindi kailanman
naging makasarili.
bukas,
sa pagsikat ng araw,
sa pagputok ng bukang-liwayway,
hindi na tayo muling magluluksa.
hindi na itim ang kulay ng langit,
hindi na itim ang mananaig na damdamin.
rebolusyonaryong dahas
ang itatapat natin laban sa mga pasista’t ganid.
rebolusyonaryong hustisya
ang pananaigin nating
ngayon na lamang luluha.
kasama ng bayang nagbabalikwas,
kasama nating mga nawalan,
para sa inyong mga nagbuwis
ng buhay at kabataan:
patitilamsikin natin
ang dugo ng mga kaaway.
pasisikatin natin ang araw na tatanglaw,
babaguhin ang kulay ng langit sa dakong silangan.
bukas, magliliwanag ang kalawakan.
wala nang madilim na ulap ang sasaklot sa sanlibutan:
dahil ang tagumpay
ay hindi madilim,
kailanma’y
hindi ito magiging maitim…
hindi ito itim!
ang tagumpay
ay mapanghimagsik
at mapagpalaya,
ang tagumpay ay mapula…
ang pagtatagumpay ay pula!
* Sa alaala nina Kasamang Bruks
Kathy Yamzon | 10.01.10 | 1848 | Sta. Mesa